Thursday, May 19, 2011

Unang Sabak

Mahigit tatlong taon narin ang nakalilipas mula ng ako'y maging regular-permanent na guro sa pampublikong paaralan. At ang aking unang sabak ay sa San Andres Lower Primary School. Isang taon akong nagturo doon bago ako nalipat sa kasalukuyan kong pinagtuturuan.

Hayaan niyo akong balikan ang aking naging karanasan mula sa isang taon ng pagtuturo sa SALPS (San Andres Lower Primary School ).


Ang SALPS ay matatagpuan sa isang liblib na pamayanan sa bayan ng Borongan lalawigan ng Eastern Samar na may layong mahigit labintatlong kilometro mula sa kanayunan. Ito ay mayroon lamang isang silid-aralan na ginagamit ng mga mag-aaral mula sa una at ikalawang baitang. Multi-grade ang sistema doon at isang guro lamang ang naka assign upang turuan at gabayan ang mga batang mag-aaral doon.

Upang marating ko ang lugar ay kailangan ko munang sumakay ng tricycle na walang bubong, "top-down" kung tawagin, mula sa bayan papunta sa isang pantalan, mahigit kumulang na 10 minuto din ang biyahe, na kung saan ay sasakay naman ako ng bangka papuntang Brgy. San Mateo at pagkarating ko doon ay uumpisahan ko na ang mahigit 30 minutong lakaran patungong San Andres Lower, dadaan ako sa masukal, matatarik at madudulas na mga daan at tatawid pa ng ilog. Ginagawa ko yun araw-araw.

Mahirap kung iisipin. Nakakapagod, at minsan nakakatamad. Marahil kong ang iisipin ko lang ay ang aking hirap na dinadanas papunta sa eskwelahan na iyon ay inayawan ko na ang trabaho ko. Ngunit sadya yatang doon ako mapunta upang subukin ang aking determinasyon at bokasyon sa napili kong karera. Naging malinaw sa akin ang ideyang yun. Kaya nagtiyaga ako, pinagpatuloy ko ang aking trabaho.

Lumipas ang mga araw ay natutunan ko ng maging manhid sa hirap na aking dinadanas papuntang SALPS. Parang naging ehersisyo ko nalang ang mahabang lakaran, ang pagakyat-baba sa mga matarik na daan at naging libangan ko na rin ang paglalaro ng tubig sa ilog tuwing ako ay tatawid doon. Mas nangingibaw na ang kagustuhan kong makarating agad sa aking bagong pamilya - ang aking mga mag-aaral.

Grade I at Grade II ang hawak ko noon sa SALPS, sabay kong hinahawakan yun, multi-grade kung tawagin. Mag-isa lang akong guro doon, ako na ang tumatayo at gumaganap sa lahat ng mga gawaing pampaaralan doon, kahit na mayroon akong Mother School ay parang
wala din dahil sa layo ng lugar ko, madalang lang akong mabisita, minsan pa nga wala. Mayroon akong 20 mga mag-aaral sa unang baitang at 10 naman sa ikalawang baitang na may kabuuang 30 mag-aaral. Sa una mahirap. Mahirap turuan ang mga bata na bumasa at sumulat lalo na sa mga batang nasa mga liblib na lugar. Kailangan mo silang himayin, tiyagain at pagtiisan. Minsan nga gusto ko nalang magkantahan kami dahil mas gusto nila yun. Pero di ako sumuko pinilit kong gawin lahat ng makakaya ko upang kahit papaano ay mabago ko sila. Mababait silang mga bata, masisipag sa mga gawain lalo na sa paglilinis at pagbubunot ng mga damo sa bakuran ng paaralan, palibhasa gawain na nila sa bukid. Kahit na minsan ay hindi kaayaya ang amoy nila pag pumapasok ay marespeto sila sa kanilang guro. Masunurin. Yun nga lang hirap silang makaagapay sa aking mga aralin.

Mahirap ang multi-grade dahil hindi mo malaman kong alin o sino ang uunahin mong asikasuhin lalo na't pareho silang nangangailangan ng atensyon. Ang gagawin ko nalang habang may pinapagawa ako sa mga Grade 2 ay tuturuan ko namang magbasa ang mga grade 1 at pag natapos na ang grade 2 ay sila naman ang aking tuturuan ng mga aralin habang ang grade 1 ay may gawain. Pero minsan pag ang aralin ng grade 1 at grade 2 ay magkahawig ay sabay ko ng tinuturuan ang dalawang grade. Araw-araw ganun ang kalakaran.

Ganun paman kahit na mahirap magturo, kahit na halos ibigay mo na ang utak mo sa kanila para lang makaintindi, kahit na tinutulogan ka ng bata, kahit na ayaw nilang makinig at mas gusto pang pag-usapan ang dami ng kanilang aanihin sa bukid ay napakasarap parin sa pakiramdam na tuwing uwian ay mararamdaman mong masaya sila dahil pinagtiyagan mo sila. Kahit na hindi ko pa nakikita ang epekto ng aking mga itinuro ay alam kong may nakintal parin sa kanilang isipan at pagdating ng araw ay inaasahan kong magamit nila yun sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.

Sa kabuuan, naging mahirap ngunit masarap ang aking naging unang pagtuturo sa San Andres Lower Primary School. Ang aking unang sabak ay naging makabuluhan upang tuluyan akong mahubog sa kung anu ako ngayon. Marami akong aral na natutunan mula sa mga bata doon. Ang pagiging simple sa pamumuhay, sa pagkakatao. Ganun din sa mga tao doon, kahit na minsan ay mayroon kaming mga hindi pagkakaunawan ay naayos parin dahil malinaw sa bawat isa sa amin na walang perpektong tao. Ngayon ko mas napagtanto na ang pagtuturo ay sumasaklaw sa napakalawak na aspeto ng pakikipag kapwa tao.

Higit dalawang taon na ang nakalilipas mula ng ako'y umalis doon at lumipat sa kaslukuyan kong pinagtuturuan. Kumusta na kaya sila?














MyFreeCopyright.com Registered & Protected

3 comments:

  1. Cguradong may susunod sa yapak mo at di mwawala sa kanilang isip na may isang Sir Mike na nagbigay sa knila ng karunungan.. keep up d'good work sana madami kapa marating at maturuan.. =)camilomanlangitjr

    ReplyDelete
  2. Job well done Sir Mike - proud to be your batchmate...keep it up...

    ReplyDelete
  3. Thank you for visiting my blogsite and for sharing your comments.

    cr4nk than you.. kahit wala kang malinaw na identity at least nagbigay ka ng clue na ka batch kita hehe

    ReplyDelete