
Isang matagumpay na pagtatapos ng Summer Class ang nangyari noong Miyerkules (May 18, 2011). Ang nasabing Summer Class ay isang programa ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Pasig kung saan ang mga mag-aaral na magiging Grade 5 at Grade 6 pati na rin ang mga mag-aaral na magiging 2nd year sa darating na pasukan ay siyang naging mga benepisyaryo ng nasabing programa. Libre at walang binayaran ang mga batang nakasama sa programa at ito ay tumagal ng 20 na araw na sinimulan noong April 18, 2011 at nagtapos nga nitong May 18, 2011. Ang layunin ng programa ay bigyan ng maagap na kaalaman tungkol sa mga aralin ng baitang na kanilang papasukan upang magkaroon sila ng mas maunlad na pagkatuto at higit sa lahat ay ihanda sila para sa darating na pasukan.
Isa ako sa mapalad na mga guro na nagturo sa mga batang mag-aaral. Mapalad ako dahil naging makabuluhan ang aking bakasyon. Muli kong nagampanan ang aking bokasyon kahit sa mga panahong dapat ay nagbabakasyon ako. Masarap kasi sa pakiramdam na nakapagtuturo ka at nakatutulong sa pagunlad ng bata mula sa kanyang kamusmosan. Higit sa lahat, muli kong napatunayan na ang pagkatuto ay walang pinipili na panahon.

Mga batang magiging Grade 6 ang aking hinawakan kung saan Science ang aking itinuro. Mayroon akong 25 na mag-aaral na magiliw at masayang nakibahagi sa aming mga aralin sa loob na dalawampung araw. Sa loob ng 20 araw na iyon ay sinigurado kong magiging masaya ang aming gagawing mga gawaing pagkatuto.
Sa bawat aralin ay binibigyan ko sila ng iba't ibang pangkatang gawain kung saan ay nagagawa nilang makihalubilo sa kanilang mga kaklase. Nakakatuwa silang pagmasdan habang isinasagawa nila ang gawain ng may buong pasusumikap kahit na ramdam mo ang kanilang hirap sa pagtapos sa kanilang gawain ay naroon pa rin ang ngiti sa kanilang labi. Sama-samang silang natututo.
Sana sa kanilang pagpasok ngayong darating na pasukan ay handang handa na sila sa mga susunod na kabanata ng kanilang buhay bilang mag-aaral. Kasabay ng matagumpay na pagtatapos nawa'y makintal sa kanilang isipan ang lahat ng bagay na kanilang nalaman.

No comments:
Post a Comment