Thursday, May 19, 2011

Sa Aking Ika-25 na Kaarawan.


Isang taon nanaman ang nadagdag sa buhay ko. Pakiramdam ko ay pagkatanda-tanda ko na. Ang dami ko ng mga bagay na inaasikaso, iniintindi at pinagkakaabalahan. At sa dami ng mga bagay na gusto kong gawin at bigyang halaga, maging personal man o sa trabaho, sa pamilya o sa iba ko pang obligasyon, kinakapos parin ako sa oras upang ang lahat ng bagay na ito ay aking mabigyan ng pantay na pansin. Mabuti nalang at malinaw sa akin na ako'y hindi isang super hero, na napapagod din ako, nasasaktan din ako, lumuluha at nahihirapan. Ngunit dapat ay patuloy lang ang buhay.

Bukas ay sisikat na ang bagong araw, ang araw ng aking kapanganakan. Oo, tama. Bukas ay aking kaarawan, ika-dalawampu't limang kaarawan. Ibig sabihin 25 na taon na akong namumuhay sa mundong ito, at sa aking mga nakaraang taon ya marami na akong magaganda't mapapait na karanasang dinanas na siyang nagpatatag sa aking pagkatao. Higit sa lahat, ang mga karanasang iyon ay ang siyang dahilan kung ano ako ngayon.

Kasabay ng pagsapit ng madaling araw, hudyat ng aking kaarawan ay bukas-palad kong tatanggapin at taos-puso kong yayakapin ang mga bagong pagsubok na aking kakaharapin. Naalala ko tuloy ang sabi ng isa kong kaibigan na ang tao ay parang sundalo; Habang nasusugatan lalong tumatapang.

Bilang pagtatapos, nais ko sana ibahagi ang aking munting hiling sa aking kaarawan. Ang nais ko lang ay isang oras ng Panalangin. Gusto ko ibulong sa Diyos ang mga bagay na gustong makamit. Kung anu man yun, akin nalang.



No comments:

Post a Comment