
May 21, 2011 sa araw daw na ito magaganap ang Katapusan ng Daigdig sa ganap na ala-sais ng gabi. Ito ay galing mismo kay Harold Camping isang radio broadcaster at presidente ng Family Radio Broadcasting Network na sumasahimpapawid sa Estados Unidos. Ang grupo ni Camping ang siyang may pakana sa balitang ito na nagdulot ng malawakang diskusyon mula sa iba't ibang sektor ng lipunan kung ito ba ay totoo o isang guni-guni lamang. May iilan na agad naniwala sa balitang ito ngunit marami parin ang hindi pumatol at pinagtawanan lang ang balita.
Sino nga ba naman si Harold Camping upang paniwalaan ng marami sa kanyang mga prediksyon, na minsan na ngang nagkamali noong 1994 sa kanyang prediksyon sa katulad na usapin, lalo na't malinaw sa ating mga Pilipino na walang sinuman ang nakakaalam kung kailan ang takdang araw ng paghuhukom.
Ayon kay Camping, nasusulat daw sa Biblia ang kanyang prediksyon, nagsilitawan na daw ang mga signos hinggil sa nalalapit na pagtatapos ng buong daigdig. Oo nga't nararanasan na natin ang mga sinasabi niyang signos tulad ng mga pag lindol sa iba't ibang bahagi ng mundo, ang mga kaguluhan sa Gitnang Silangan at maging ang Global Warming ngunit hindi niya kailanman dapat bigyan ng eksaktong petsa ang pagtatapos sapagkat walang sinuman sa atin ang makapagsasabi. Ganun paman, iginagalang ko ang mga sinabi ni Camping. Karapatan niya iyon bilang isang mananampalataya.
Ngunit dumating na ang araw na sinasabing Araw ng Katapusan. Wala namang nagbago. Awa ng Diyos ang mundo ay patuloy parin na umiikot. Ang mga tao ay patuloy parin na namumuhay. Isa lang ang ibig sabihin nito. MALI ANG PREDIKSYON. At kailanman man walang magiging tamang prediksyon tungkol sa katapusan ng Mundo dahil, uulitin ko, walang sinuman sa atin ang makapagsasabi nito.
HUWAG MANIWALA SA MGA BALITA NG MGA BULAANG TAO. BAGKUS MANALIG AT PAGTIBAYIN ANG PANANALIG SA MAYKAPAL.
Teka lang. Bakit ba ako sobrang apektado? Sa totoo lang maliban sa hindi pa ako handa sa Paghuhukom ay marami pa akong dapat gawin sa mundo para sa aking kapwa tao, para sa aking mga mag-aaral, para sa aking pamilya, mga kaibigan at lalo na sa aking sarili. Pag nagunaw ang mundo ngayon, paano nalang ang lahat ng plano ko? Pero ang totoo nyan hindi naman talaga tayo makapag hahanda para sa paghuhukom. Ang mahalaga mamuhay tayo ng mabuti at maging makatao, magpakabuti tayo araw-araw sa ating mga gawain.
Ang katapusan ng Mundo ay kung kailan wala ka ng pananalig sa Diyos.

No comments:
Post a Comment