Wednesday, May 18, 2011

Paano ba ako napadpad sa pagiging GURO?

Limang taon na ako sa pagtuturo, dalawang taon akong nagturo sa isang pribadong paaralan at tatlong taon mahigit naman sa pampublikong paaralan. Sa kasalukuyan masigasig parin akong gumaganap sa aking tungkulin bilang isang Guro ang aking itinuturing na bokasyon.

Paano nga ba ako napadpad sa bokasyong ito ng pagtuturo?


Naalala ko noong ako'y Grade 1 palamang, anim na taong gulang ako ng mga panahong iyon, kung saan madalas akong maging isang Titser sa aking mga kalaro. Naging silid-aralan naming ang malilim na puno ng kaymito na nasa bakuran ng aming bahay, may mga dala-dalang libro, papel, lapis at notebook ang aking mga kalaro samantalang chalk ( na kinuha ko pa sa cabinet ni ma'am ) at libro naman ang sa akin. Ngunit, hindi ko iniisip o pinangarap manlang ang maging isang guro, kahit paman sabihin na ginawa ko itong libangan noong aking kabataan. Nasa ika-anim na baitang na ako ng pag-aaral sa elementarya ng makapagdesisyon akong maging isang guro.

Dalawang tao ang luminang sa isipan ko upang tuluyan na akong mangarap na maging guro. Una ay ang aking Grade 6 adviser. Marami akong bagay na natutunan sa kanya kahit na minsan ay hindi siya pumapasok ng tatlong beses sa isang linggo. Natuto akong maging mapagmahal sa pagbabasa, natuto akong maging isang responsabling mag-aaral, natutunan ko ang mga magagandang asal na kanyang isinasama sa mga aralin. Sa totoo lang, grade six na ako ng tuluyang natuto magbasa ng english at dahil yun sa kanya. Naging isa siyang mabait na guro sa amin lalo na sa akin. Inspirasyon ko siya kung bakit pinangarap ko maging isang guro.

Ang ikalawang taong nagsilbi kong inspirasyon sa pangarap kong maging guro ay ang aking mahal na nanay. Dahil sa kasalatan sa buhay 4th year high school lamang ang kanyang natapos. Hindi na niya natupad ang kanyang pangarap na maging Guro. Naiisip kong tuparin ang pangarap niya sa pamamagitan ko. Ngayon ay natupad ko na ang pangarap ng nanay ko.

Hindi madali maging isang guro ngunit walang kasing sarap ang mabuhay habang ginagampanan mo ito. Maraming bagay at tao ang nagtulak sa akin, ang naging inspirasyon ko upang pagsumikapan kong makamit ang aking pangarap. Ngayon isa na akong GURO.




MyFreeCopyright.com Registered & Protected

No comments:

Post a Comment