Noong bata pa ako ay pinangarap ko na makapunta dito sa Maynila at dito na maghanap ng trabaho. Nanatili ang pangarap kong iyon hanggang sa ako'y pumasa sa Board Exam para sa mga guro. Naisip ko kasing dito sa Maynila mag apply pero may mga nangyari sa buhay ko na humadlang sa layunin kong iyon at doon nalang ako sa lugar namin nag apply para sa isang permanent teacher position. Kinalimutan ko nalang ang pangarap ko na iyon ng matanggap na ako sa probensiya namin bilang isang permanent teacher sa pampublikong paaralan. Naiisip ko noon, hindi para sa akin ang pangarap na iyon at iyon ay malugod ko namang tinanggap.
Sa madaling kuwento ay sa probensiya na nga ako nakakuha ng permanenting trabaho bilang isang guro sa isang liblib na paaralan, ang San Andres Lower Primary School (Naisulat ko na dito ang aking naging karanasan doon.) Isang taon din ako nagturo sa probensiya at sa isang taon na iyon ay naging maayos naman ang trabaho ko, iyon nga lang ay paminsan minsan ay nagbabalik ang pangarap kong sa Maynila makapag turo ngunit hanggang isipan nalang iyon dahil sa isip ko imposible na ako makapagtrabaho sa Maynila kasi permanent na nga ako. Nagpatuloy na lang akong pagbutihin ang aking trabaho at tunay na ngang nawaglit sa isip ko ang pangarap na iyon dahil naging masaya ako sa sa trabaho ko doon, nagkaroon na ako ng mga kaibigan at mga masasayang pangyayari sa aking buhay. Nagkaroon narin ako ng mga pangarap na gusto kong tuparin sa lugar na iyon. Nakikita ko na noon na doon na ako tatanda sa pagtuturo at hindi na nga matutupad ang pangarap ko.
Ngunit sabi pa nga ng marami "Hindi natin alam ang maaring mangyayari." at napatunayan ko yun sa aking sariling buhay. Sa aking pangarap. Naging mabait ang tadhana sa akin ng isang araw ay nakilala ko ang asawa ng isa kong kapitbahay na kaibigan ko na rin. Minsan napupunta siya sa bahay at nakikipag kuwentuhan sa amin. Isang beses ay nabanggit niya ang kanyang kapatid na nagtuturo sa Pasig. Gusto raw ng kapatid niya na makauwi sa probensiya at makalipat doon sa pagtuturo. Tinanong niya ako kung papaano daw ang maaring gawin ng kanyang kapatid upang makalipat. Ang sabi ko, dalawa lang yan una ay mag resign siya at mag apply na muli sa probensiya o di kaya ay makipag palitan siya o swapping sa isang teacher na gusto magturo sa Maynila at bigla siyang nagtanong kung sino naman daw kaya ang maygustong makipag palit? Hindi ko kaagad namalayan na yun na ang maaring katuparan ng aking pangarap. Naiisip ko nalang iyon ng tinanong niya ako ng pabiro kong gusto ko makipagpalit. Doon muling nanariwa ang pangarap kong makapunta ng Maynila upang makapagturo. Nagkaroon ng excitement sa aking sarili at bigla nalang akong napa oo.
Sa maikling kuwento, naging tutuhanan nga ang pagpayag kong makipagpalit, dahil narin marahil sa kagustuhan kong makapunta ng Maynila. Simula noon ay nagkaroon ako ng komunikasyon sa kanyang kapatid at napag-usapan ang aming pagpapalitan. At doon ay napag-usapan namin ang ang paaralan na aming pinagtuturuan. Naging mabilis ang lahat. Hindi ko namalayan na nag aasikaso na pala ako ng aking mga papel para sa paglipat ko sa Pasig. Sobrang tuwa ang aking nararamdaman noon. Tumulong sa pag-aasikaso ng aking papel ang tito ng aking makakapalitan na nagkataong isang Division Supervisor kaya napabilis ang aming pagpapalitan.
Maayos na ang lahat at nakatakda na ang araw ng aming pagpapalitan. May 31, 2009. Ang petsa naring iyon ang naging last day of service namin sa dati naming pinagtuturoan. Walang pagsidlan ang aking tuwa para sa nalalapit na katuparan ng aking matagal ng pangarap. Totoo ngang hindi natin alam ang maaring mangyari bukas. At ang lahat ng ito ay dahilan ng aking paglalakbay patungo sa katuparan ng aking pangarap.







